Kakabalik lang namin from a 2 months vacation in the Philippines. Bakit kaya kahit gaano kahaba yung bakasyon parang laging feeling bitin pag malapit na ang date pabalik?
Naiwan na si Tin sa pinas. Noong una di pa maramdaman masyado yung nalalapit na separation dahil busy pa sa pag-aasikaso ng dorm, enrollment, pagbili ng mga gamit, etc. Pero noong ihatid na namin sya sa Baguio a day before our flight parang ang bigat sa dibdib. Ako ang nag-ayos ng mga gamit nya sa locker kasi si KD parang di na kaya, nakatingin na sa kawalan. Nagsimula na tumulo luha ni tin noong magpaalam na kami. Alam nya kasi na maiiwan na sya talaga, mas gusto ko na yun na hindi na sya maghatid sa airport. Parang ang hirap makita na papasok ka sa airport at maiiwan sya sa labas.
Wala kaming kibuan ni kd habang pababa ng Baguio, walang gustong magsimula ng usap. Tahimik din ang driver namin dahil nakikita nya paminsan-minsan na nagpapahid ng luha si kd sa tabi nya. Walang hinto si tin ng kakatext hanggang makarating kami ng Bataan. Hindi ko alam kung paano ako natapos sa pag-eempake para sa flight namin kinabukasan habang inaalo ko si Justin at Joshua na umiiyak din dahil maiiwan na raw si ate nila sa pilipinas. Naka-ilang tawag din si tin nung gabing yun dahil hindi raw sya makatulog. Ayoko na sana syang tawagan dahil nauuwi lang sa iyakan. Napaluha lang talaga ako pagkabasa ko sa text nya na, “Ma, parang di ko kaya.”
Kinabukasan, araw ng flight namin. Walang hinto ang tawag nya hanggang maka-akyat kami ng eroplano. Wala na halos ako maintindihan dahil puro “mama” na lang naririnig ko habang iyak sya nang iyak. Palipat-lipat ang phone kay kd, kay josh at justin. Hanggang ipa off na ang mga cel sa plane ay ayaw pa rin ibaba sandali na lang daw. Nakatingin na nga lang sa amin yung ibang katabi namin sa upuan. Malungkot din sila na i’m sure na nakakarelate sila dahil sila man ay siguradong may mga iniwang pamilya sa pilipinas.





































